top of page
TULANG PANANALIKSIK JPEG.PNG

Click to download.

Mga Tagasalin

Bikol

Erlinda Balaora

 

Bisaya

Fr. Nelson Santillan Plohimon, OAR

Hiligaynon

Ray Bofill

Fr. Nelson Santillan Plohimon, OAR

 

Kapampangan

Charles Henry C. Espiritu

 

Waray

Ma. Joselyn Año-Cabato

Gloria Año-Oray

 

Pangasinan

Norma Villapa

Corazon Targa

 

Ibanag

Fr. Carlos C. Villanueva

 

Ilocano

Fr. Carlos C. Villanueva

Florence C. Navidad

Rolando O. Dela Cruz

 

Luciana Urquiola

Jeanette Grajo

 

English

Español

Abigail T. Pagalilauan

 

I

Hapunan

Nagulat ang lahat nang

Sa gitna ng hapunang

Kanyang hinanda,

Nagsabi si Nanay -

Nakangiti, nananabik

Sa desisyong magturo

Muli, tulad noon.

Na muling gawin

Ang mahal na propesyon -

Malaking pananagutan

Misyon sa Simbahan,

Ang maging katekista.

Di naman nagulat

Si Tatay at mga anak

Dahil palagi siyang

Nasa Simbahan,.

Bilin ni Tatay,

"Huwag mo lang kaming

Kalilimutan, isasantabi".

Tugon ni Nanay,

"Hindi naman Mahal,

"Kayo pa rin, una

"Kong pananagutan".

Ngumiti ang lahat

Sa hapunang masarap

At matapos kumain,

Si Nanay pa rin

Nagmismis, naghugas.

Ito ang unang

Krus sa daan

Ng katekistang-lingkod,

Sakrispisyong makahulugan.

II

Getsemani

Bago sumabak
Sa hamon ng katekesis,
Si Nanay dumalo
Sa lingguhang pagsasanay
Tungkol sa bibliya,
Mga dokumentong-katesismo
Ng Katolikong Kristiyano
At Katolikong Pilipino.
Hindi naging madali
Ang muling pakikinig
Sa paring katekista
At catechetical directors
Dahil mas mahirap
Palang maayos na ituro
Ang turo ng Simbahan.

Na tulad ng pananalangin
Ni Hesus sa Getsemani,
May hapis sa pagsasanay
Para wagas ang kaalamang
Maibabahaging-tunay.
Ito ang ikalawang
Krus sa daan
Ng katekistang-lingkod,
Sakrispisyong makahulugan.

II GETSEMANI.png

III

Sanhedrin

Nang masayang matanggap
Ni Nanay-teacher -
Ang bagong katekista,
Ang kanyang assignment
Sa pampublikong paaralan,
Pinaghandaan niya ang araw
Pagdalaw sa school
Pagharap sa principal
Upang kunin - schedule.
Apat lang pagpipilian:
Umagang-umaga,
Sa pagitan ng recess,
Matapos ang tanghalian,
O bago mag-uwian.

Tulad ni Hesus
Sa harap ng Sanhedrin,
Ang mapagkumbabang-tangan
Sa harap ng makapangyarihan,
Waring di pagtutol
Para misyon matuloy,
Kahit anong oras,
Katekesis matupad.
Ito ang ikatlong
Krus sa daan
Ng katekistang-lingkod,
Sakrispisyong makahulugan.

III SANHEDRIN.png

IV

Koronang Tinik

Sa unang pagsabak,
May dalang galak
Ang bawat araw
Ng misyong katekesis
Sa mga batang makukulit.
Ngunit paglipas ng panahon,
Napansin ng katekista
Ang unti-unting pagkawala
Ng interes sa pakikinig
Ng mga batang may bigat
Ang mga matang matamlay
Dahil ang mga buhay
Pala nila'y winawasiwas
Ng mga suliranin sa bahay:

Di nagsisimba mga magulang,
Walang trabaho,
Magkahiwalay, di kinasal.
Parang ang katekista'y
Pinutungan ng koronang
Tinik na tagos sa puso,
Dahil waring di sapat
Pag-intindi sa sakramento.
Lipunang ginagalawan
Ng mga batang tinuturuan
Katekesis kailangan.
Ito ang ika-apat
Krus sa daan
Ng katekistang-lingkod,
Sakrispisyong makahulugan.

IV KORONANG TINIK.png

V

Krus

Sa araw-araw may krus
Na tangan ang katekistang
Lingkod ng Simbahan.
Mula sa bahay, unang
Pananagutan ginagampanan
Saka dali-daling magpapaalam
Upang agad mapuntahan
Ang mga batang naghihintay
Doon sa paaralan.
Makakarating naman
Kahit pamasahe kulang,
Nakakagawa naman ng paraan
Kahit ang pambili ng chalk
At papel na gagamitin
Katekista ang tuturing.

Kahit anong halaga,
Kahit sabihing kalokohan,
At walang lohika.
May hirap mang taglay
Sakripisyo at pasakit
Pagtanggap sa krus
Misyong katekesis.
Ito ang ikalimang
Krus sa daan
Ng katekistang-lingkod,
Sakrispisyong makahulugan.

V KRUS.png

VI

Nabuwal

Dahil sa kirot ng pagod
May mga pagkakataon
Din, katekista'y nabubuwal
Nagkakasakit, pinanghihinaan
Ng loob. Binabatikos.
Sinisiraan ng mga kaibigan,
Sinasabihang balatkayo,
Pinaparatangang hungkag
Ang  buhay taliwas
Sa itinuturong aral
Bilang katekista.

Ang kahinaan ay totoo,
Hindi ito biro,
Kundi realidad ng buhay
Ang pagtakas ng lakas
Hangang lahat-lahat
Maipasa-Poong Maykapal!
Ito ang ika-anim
Krus sa daan
Ng katekistang-lingkod,
Sakrispisyong makahulugan.

VI NABUWAL.png

VII

Simon Sireneo

Sa panahon ng pangangailangan
Sa mga gawaing-katekesis
Maraming Simon Sinereo -
Mga mabubuting taong
Sa katekista'y tumutulong.
Mula sa mga Tatay
At maraming kasama
Sa abalang bahay,
Para libreng ihatid
Ang Nanay na katekista
Sa anumang pagtitipon,
At libre ding sunduin
Pagkatapos ng pulong.

Hanggang sa kasamang
Kapwa-katekistang
Kumadre't kaibigan,
Handang magpautang
Kahit bayaran, matagal.
Itong misteryong-misyon
Kung bakit di maiwan
Ang pagiging katekista
Ang teacher na Nanay.
Ito ang ikapitong
Krus sa daan
Ng katekistang-lingkod,
Sakrispisyong makahulugan.

VII SIMON SIRENEO.png

VIII

Pagsalubong

Ang pagiging katekista,
Kahit puno ng sakripisyo'y
May dulot na galak
Dahil sa misyong-pagtahak.
Maraming makakasalubong
Na palaging magtatanong,
Kaya't tamang sagot
Dapat laging tangan.
Kailan ang binyag?
Kailan ang kasal?
Sino ang magpapakumpisal?
Ang kumpilan kelan?
Saan ang daan ng prusisyon?

Bakit wala si Father?
Nasaan si Father?
May kasal ba si Father?
Pwede bang magpa-bless
Kahit nagsi-siesta si Father?
Lahat ito'y impormasyon
Na waring pananagutan
Ng katekistang laging
Laman ng Simbahan.
Ito ang ikawalong
Krus sa daan
Ng katekistang-lingkod,
Sakrispisyong makahulugan.

VIII PAGSALUBONG.png

IX

Ipinako

Pagkabighani ang dalang
Dulot nang nakapakong
Hesus sa bawat pagtitipon
Ng mga misyoneryong katekista.
Sagisag ng pag-antanda
Sa Ama, sa Anak
At Espiritu Santo.
Nagpapaalala ng sakripisyong
Pagtubos sa mga kasalanang
Ang lubid na tangan
Pinatid ng pagmamahal,
Nilubos ng pag-ibig
Pinaputok man mga ugat
Upang dugo'y magreklamo't
Magrebolusyong payapa,

Walang galit,

Pulos pagmamahal

Ng ipinakong si Kristo

Ang buod ng katekesis.

Ito ang ikasiyam

Krus sa daan

Ng katekistang-lingkod,

Sakrispisyong makahulugan.

IX IPINAKO.png

X

Dimas

Sino ba sa atin
Ang di magnanakaw?
Nang mga sandaling
Dapat sana
Sa Diyos inilaan.
Sino ba sa atin
Ang di nagnanakaw
Ng mga ngiti't kasiyahan
Ng mga batang uhaw
Sa mga aral ng Simbahan?
Sino ba sa atin
Ang di nanakawan
Nang kateketikal na oportunidad
Sa bawat pagdalaw
Sa kapilya't katedral,
Sa homilya ni Father
At ni Bishop,
Sa simpleng pagsalubong
Sa kapwa-Katoliko,

Sa prayer meetings
Na palaging dinadaluhan,
Sa pagkakataong sana
Dama natin si Kristong
Malapit, waring katabi
Lang, upang kahit
Sandali, makipagkwentuhan.
'Swerte nga si Dimas
Dahil malapitang
Nakausap, si Kristong
Hirap man, nangusap
Ng pangakong walang-hanggan
Dahil sa pagtitika.
Ang nagtitikang katekista'y
Tapat sa misyon.
Ito ang ika-sampung
Krus sa daan
Ng katekistang-lingkod,
Sakrispisyong makahulugan.

X DIMAS.png

XI

Habilin

Ang pagiging katekista
At tiwalang-bigay
Habiling-taglay
Malaking pananagutan
Upang manatiling-buhay,
Bawat aral ng ebanghelyo
Bawat kwento ng bibliya
Bawat tradisyong turo
Bawat istorya ng kabanalan
Katuwang ang patnubay
Ng apostol na Juan,
Ang malapit kay Jesus
Kanyang kaibigan.
At tangan ang pagmamahal,
Ni Mariang ating ina
Na tadtad-dalamhati
Ang pusong-sinugatan
Ng hirap ng Anak
Timping nasaksihan.

Kay Maria ibinilin
Ni Hesus ang Simbahan
Sa panahong lumilimlim
Ang lahat ng pag-asa
Sa bantang kawalan
Ng mundong-buhay.
Katekista'y maka-Maria
Rosaryo laging kapit
Sa lipunang makulit
Katesismong himig.
Ito ang ikalabing-isang
Krus sa daan
Ng katekistang-lingkod,
Sakrispisyong makahulugan.

XI HABILIN.png

XII

Pagkamatay

Ilang beses pinagninilayan
Pagkamatay ni Hesus
Ng mga katekistang-lingkod.
Sa araw-araw na krus
Na kanilang tangan
Para sa misyong
Maibahagi mga aral
Ng Kristong buhay.
Subalit sa pagkamatay
Ng Panginoong Hesukristo,
May aral ding taglay -
Na merong hantungan
Bawat isa, may kahihinatnan
Na waring kamalayan
May takdang katapusan,

At ang ating dalangin
Sa huling sandali,
Mahigpit na yakapin
Ang pangakong makapiling
Sa pangakong langit
Dahil naganap na
Ang misyong wakas
Na may pasasalamat!
Ito ang ikalabing-dalawang
Krus sa daan
Ng katekistang-lingkod,
Sakrispisyong makahulugan.

XII PAGKAMATAY.png

XIII

Paghimlay

Ang buhay katekista
Sabi nang nakararami,
Puno nang saya
Kasiyahang nakaugat
Sa bukal na loob
Na lingkod-totoong
Tinig ay pananampalataya
Tunog ay pagmamalasakit
Tono ay pagmamahal
Awit ng pag-ibig.
Nang ihinimlay si Hesus
Binulungan Niya
Mga katekistang-lingkod,

Na sa Kanyang pananahimik

Sa pansamantalang pag-idlip

Ng tatlong araw na dilim -

Kumanta ng papuri't
Pasasalamat, magnilay
At magpakatatag,

At maniwalangs a anumang sulirani't
Kadiliman, may pangakong
Buhay at liwanag.
Ito ang ikalabing-tatlong
Krus sa daan
Ng katekistang-lingkod,
Sakrispisyong makahulugan.

XIII PAGHIMLAY.png

XIV

Pagkabuhay

Piniling misyon ay
Maging katekista
Pero ang totoo -
Sila’y maingat na pinili
Ng Poong Maykapal,
Upang maging katuwang
Sa matiyagang pag-aalaga
Sa Simbahang Mahal.
Buhayin ang pananampalatayang
Nanamlay at paulit-ulit

Walang tigil, nagpaalala
Ng mga mahahalagang aral
Tungkol sa paghahanda
Sa muling pagkabuhay!
Katekistang kayamanan
Ng ating Simbahan.
Ito ang ikalabing-apat
Krus sa daan
Ng katekistang-lingkod,
Sakrispisyong makahulugan.

XIV PAGKABUHAY.png
bottom of page